Tanong at Sagot

tanong, sagot

“Dahil minsan sa kagustuhan nating maging tama, gawin ang tama, ipamuhay ang tama
Nakakalimutan na natin ang maging mabait…”

Verse 1
Lahat ba ng tanong ay kailangang sagutin?
O lahat ba ng sagot ay kailangang tanungin?
At dahil ako naman ang naka-isip ng tanong na ito
Ako na lang din ang sasagot, tutal mukang naguluhan din kayo sa tanong kong ito

Verse 2
Lahat ba ng sagot ay kailangang tanungin?
Minsan, hindi minsan, at madalas kung pipilitin
Sa tuwing nananalangin ako sa Diyos, natatakot ako na magtanong
Hindi dahil sa ayokong marinig ang sagot sa ‘king tanong
Kundi dahil sabi nila masama daw sa Diyos ay magtanong!
Kaya bata pa lang ako, kinasanayan ko na ang mga panalanging umiiwas sa tanong

Verse 3
Mahirap, sobrang hirap. Magandang pakinggan, pero masikip sa dibdib.
Parang payasong inukitan ng mapagkunwaring ngiti gamit ang tintang inigib
Sa balon.. sa balon na may lalim na walang katapusan, walang kasing-sikip

Verse 4
Sa halip na, “Panginoon, bakit sila may tatay pero parang hindi sila masaya?”
Sasabihin ko na lang, “Salamat po, masaya ako kahit ang tatay ay wala na”
Sa halip na, “Panginoon, naglilingkod naman kami sa Inyo, pero bakit
dalawang beses sa isang araw lang kami kung kumain?
At yung ref namin, na nangangalawang pa rin, bakit puro tubig lang ang naihahain?”
Sasabihin ko na lang, “Salamat po sa tubig. Sa malinis at malamig na tubig”
Sa halip na, “Panginoon, bakit lahat ng inuupahan naming bahay pinapalayas kami?
Sasabihin ko na lang, “Salamat po, sama sama pa rin kami.”

Verse 5
Hindi ko alam kung alam ko ba talaga ang salitang “Salamat”
O sinasabi ko lang ito dahil ayokong sa bibig ko mismo manggaling ang mga hinanaing
Na tuwing maririnig ko ay parang dahan-dahang tinutuklap ko ang mga langib
At sa pagsirit ng dugo, tatakpan ko ulit ng patong-patong na salitang “Salamat”
Salamat dahil kahit masakit, makirot, at paulit-ulit kong kinakamot at tinutuklap,
Ipapatong mo pa rin ang Iyong mga kamay, ang malilinis mong mga kamay
Hanggang sa muli kong bigkasin ang patong-patong na salitang “Salamat”
Salamat at hindi mo po ako pinandirian… Salamat at hindi mo po ako nilayuan.

Verse 6
Nadurog ako noong panahong hindi ko na alam kung kanino magtitiwala
Subalit mas nadurog at nagdurugo ako nung sinabi mong “Anak mas kilala pa rin kita”
Nadurog ako noong wala ng nagtitiwala sa akin kahit ano pa ang sabihin ko
Subalit mas nadurog at nagdurugo ako nung sinabi mong “Anak mahal pa rin kita”

Verse 7
Nadurog ako noong naubos na ang tiwala ko sasarili ko at sa mga tao sa paligid ko
Subalit mas nadurog at nagdurugo ako nung sinabi mong “Anak, may bukas pa”
Nadurog ako noong hindi ko na alam ang salitang habag, pang-unawa, at pag-ibig
Subalit mas nadurog at nagdurugo ako nung sinabi mong “Anak, hindi yan ang itinuro ko sayo”

Verse 8
Nadurog ako noong sinabi kong “Panginoon sagad, na po. Di ko na alam saan kukuha ng pera”
Subalit mas nadurog at nagdurugo ako nung sinabi mong “Anak, madami akong pera”
Nadurog ako noong sinabi kong “Panginoon, ang sakit sakit na. Malapit na ba akong mamatay?”
Subalit mas nadurog at nagdurugo ako nung sinabi mong “Anak, ako ang buhay. Ako ang pag-asa.”

Verse 9
Mahal… Mahal mo pa rin po pala ako. Mahal na mahal na mahal.
Sa kabila ng mga desisyong ipinagpilitan ko kasi inip na inip na ko sayo, mahal Mo pa rin ako.
Sa kabila ng mga kasinungalingang sinabi ko sa iba kasi napapahiya na ko, mahal Mo pa rin ako.
Sa kabila ng mga kasalanang paulit-ulit kong ginawa kasi ang sarap-sarap gawin, mahal Mo pa rin ako.
Sa kabila ng mga pauli-ulit kong pagdududa sa kapangyarihan mo kasi mas madali kung ako na
lang ang gagawa ng paraan pero sa huli palpak pa rin ito, mahal Mo pa rin ako.
Dahil sa kabila ng lahat ng kirot at kurot ng pagsubok na ito, ang mga sakit na nararamdaman ko
Ay ebidensya lamang na nagpapatunay na buhay… pa nga… ako…

Verse 10
Dahil minsan sa kagustuhan nating maging tama, gawin ang tama, ipamuhay ang tama
Nakakalimutan na natin ang maging mabait. Nakakalimutan na nating maging mapagpakumbaba.

Verse 11
At dumating na nga ang panahon na ang nag-iisa ay hindi na kailanman nagtanong.
Sapagkat sa ilalim ng mga karagatan, sa init ng mga sinag ng araw, sa kalawakang walang hanggan
Doon kumukubli ang kapangyarihan ng Siyang pinaka-makapangyarihan sa lahat
Na Siyang may hawak ng iyong kaluluwa, ng iyong mga hininga, ng iyong mga pag-asa
Na minsan ng nagkatawang-tao – katawang nasasaktan, nagdurugo, napapagod

Verse 12
Kaya sino tayo upang tanungin at pagdudahan ang kanyang nalalaman sa katawang pang-lupa
Kung Siya mismo ay minsan ng nagkatawang lupa, namatay, at muling nabuhay?
Patunay ito na hindi lahat ng tanong ay kailangang sagutin, at hindi lahat ng sagot ay kailangang tanungin
Sapagkat sa huling tanong at sagot na ating maririnig, tayo lang din ang mapapahiya.